ni: Rolando S. Tinio
Hindi nalalayo
sa pagpangos ng mangga
Ang pagbasa ng tula.
Amuyin, sapulin
sa kamay.
Ipalasap sa palad
Ang init at kinis ng balat,
Saka hubarin ang dilaw na katad
Na minsan may itim na pakas,
Parang matang ibig mangusap.
Huwag na
huwag ngangatain.
Tubo at mangga’y magkaibang sining.
Tandaang laman ay parang laman,
Humihingi ng ingat, pagmamahal.
Turuan ang ngiping dumagan
Nang hindi mag-iiwan ng sugat.
Unti-untiin ang pagsisiwalat
Sa buto...
Na namimintog, lumalapad
Kutsilyong walang talas
Pinatuyong sinag ng araw,
Usok-at-ulang nagsabato,
Garing na di pa nakakatam,
Siksik na taguan ng yabong,
Lilim, a tatal.
Huwag mithiin
ang asetikong buto,
Ang putting ermitanyo,
Bago mapagdaanan ang mga ehersisyong karnal.
Bayaang
maganap
Tamis, pait, saklap
Sa isang panlasang wagas.
Huwag
kainipan ang labo
Ng pisnging humuhulas.
Pagkatapos
na makipagtapatan
Sa mga istasyon ng pagkalaman
Kusang liliwanag
ang sagradong buto
Na simbigat ng katotohanan
Singgaan ng pangarap at kalawakan!