Kung ang Tula ay Wala (pasintabi sa makata ng Obando) ni Albert Alejo, S.J.
Kung ang
Tula ay Wala
(pasintabi sa makata ng Obando)
ni Albert Alejo, S.J.
Kung ang tula ay wala
kundi kangkong sa sikmura
lalo pa nga kung inumit
sa munting tindahan
ng kapwa nagpapawis,
di hamak ko pang
nanaising makinig
sa dalawampu’t isang
taludtod ng kampana
na binibigkas
sa katanghalian,
o kaya nama’y tumitig
sa andap ng kandila
na bumabasbas
sa oras ng hapunan,
pagka’t ako’y bumubuay
at ang loob ko’y pagod na
pagod na pagod na.
Nasilaw na ako sa kinang
ng mga langit na de-lata
at nalason lamang
sa pagsubo’t pagdura ng bala.
Kaya’t para na ninyong awa
mga makatang kapwa ko rin dukha,
huwag kayong manukso
at huwag ding magpatukso
kahit pa nga ba ang tula
ay maging letson sa bunganga.
No comments:
Post a Comment