ALAALA
ni Maria Luisa F. Torres
Bakit ganoon ang alaala?
Sala sa init, sala sa lamig. May gusto kang tandaan,
lumilipad, parang ibon.
May ibig kang kalimutan,
kapit-tuko, nakapagkit.
Parang makahiya,
pag nakanti, namamaluktot.
Parang karayom at sinulid
na nagkabuhol-buhol.
O kaya’y tipaklong
na tatalon-talon.
Parang kukong ikinakaskas
sa salamin
nakakangilo, nakakahilo
Malambot na unan
sa himbingan,
nasis mong hagkan-hagkan.
Bakit ganoon ang alaala?
May patay na binubuhay,
buhay na pinapatay.
AWIT NG ISANG KABALYERO
ni: Reuel M. Aguila
Huwag kang tumangis
sa panahon ng taglagas
Kung ang mga daho’y
humahalik sa talampakan
Ilang panahon lang
ako’y muling mamumukadkad
ng mga pulang bulaklak
Tatangayin ng hangin
ang aking mga binhi
sa mga pulo-pulo
Upang doo’y
may tumubo ring
mga puno ng kabalyero
At darating na naman
ang taglagas
ang pamumulaklak
At tatangaying muli ng hangin
ang mga binhi
hanggang sa buong kapuluan
HAYOK
ni Fatima V. Lim
Kay lapot ng gabi.
buwan ay nahating itlog,
palutang-lutang
sa ulapang lugaw.
natutunaw ang mga bituin
asing ikinalat
sinisipsip ng dilim.
pulutang adhika,
patikim,
aking luha'y’ walang lasa.
Bukas,
magigising na ako ng mahimbing
busog sa bangungot.
OYAYI
ni: Rio Alma
Meme na, bunsong sinta,
Ang ina mo e ‘ala pa.
Sumaglit ke Kabesa
At hihiram lang ng pera
Meme na, bunsong sinta,
Ang ina mo e ‘ala pa.
Di masundo ni Ama
At kabayo ng malarya
Meme na, bunsong sinta,
Ang ina mo e ‘ala pa
Naglit lang ke Kabesa
Inabot na ng K’waresma
Meme na, bunsong sinta,
Ang ina mo e ‘ala pa.
Sinundo na ni Ama
Kahit habol ang paghinga
Meme na, bunsong sinta,
Ang ina mo e ‘ala pa.
Nang abutan ni Ama,
Nalilisan na ng saya.